Tuesday, March 21, 2006

Meron!

Unum. Verum. Bonum.
Ang meron ay isa. Ang meron ay totoo. Ang meron ay mabuti.

Ang meron ay isa.
Meron tayong karanasan ng pagkamarami, naghihidwaan at naglalaban sa ating sarili. Sabay gumagawa tayo ng masama at mabuti, sabay may pangit at maganda sa ating pagkatao, sabay lumalayo at tumutungo tayo sa katotohanan, sa mabuti. Sa ating karanasan ng pagkasabog, namamalayan pa rin natin ang ating paghahangad na tipunin ang ating sarili, na maging isa. Tayo ay nagpapakaisa sapagkat ang meron natin, sa ating mang pagkamarami ay isa. Sa ating pagkakalat, nararanasan natin ang pagsabog ng ating pagkatao. Sa ating pagtipon ng ating sarili, ginaganap natin ang ating pagka-isa.

Ang meron ay totoo.
Nagpapakita ang meron. Bagamat nakakubli sa panloob at hindi lubusang mauubos unawain, nag-uumapaw and meron sa kanyang sarili at maaring maunawaan. Agere sequitur esse. Para bang sinasabi ng meron na "Heto ako! Aminin mo ako." Sa ating pag-amin sa meron na hindi natin sarili, inaamin natin ang meron natin na umaamin sa hindi atin. Sa ating pag-amin sa ating sarili, namumulatan rin tayo sa hindi sarili, sa labas at lampas sa sarili. Maging sa abot-tanaw ng unawa-tanong, katangahan-katinuan, pagkakabit-pagkabitin; sabay alam-ko-at-hindi-ko-alam.
Bukas ang loob natin sa meron na bukas rin ang loob sa atin. Tumutungo tayo sa katotohanan ng meron ng ating meron at ng buong sangkameronan.

Ang meron ay mabuti
Ano ba ang masama? Ang masama ay kapag ang meron na dapat naroon sana ay wala. May kakulangan o kawalan, may dapat na nawawala. Sa kabila ng ating karanasan ng kasamaan at kakulangan, nananatiling mabuti ang ating meron. Kahit na tayo ay magpakawala, hindi nawawala ang ating sinaunang potensyal na maging isa at magtipon na muli sa ating pagwawala. Kahit na tayo minsan ay naliligaw, maari tayong bumalik sa malalim na bukal ng ating meron at magbalik-loob sa katotohanan. Kung kaya't may malalim na pag-asa sa kabila ng ating karanasan ng pagsabog, pagkaligaw, kasamaan. Mabuti ang meron at palaging mabuti, may potensyal sa kabutihan, tumutungo sa katotohanan, hindi mapigilang magmeron.

Lahat ng ito ay posible sapagkat nakikiisa tayo sa Mismong Meron na nagpapameron sa ating lahat. Ang ating pagka-isa ay bumubukal sa perpektong pagka-isa ng Mismong Meron na lubos ang kanyang pagpapakasarili at nagpapatirik sa lahat ng nakikiisa sa kanyang meron. Ang Mismong Meron ay totoo sa kanyang lubos na unawa-sarili, sa kanyang pagpapakaisa, pagpapakatotoo at pagpapakabuti, na isa ring unawa-lumilikha, nagpapaisa sa lahat ng isa, nagpapatoo sa lahat ng totoo, nagpapabuti sa lahat ng mabuti. Ang Mismong Meron ay sukdulan ng mabuti, pinakaubod ng maganda, siksik na siksik, merong sumusiping sa meron, buong-buo, ganap na ganap, walang bahid ng pagkukulang o kawalan, merong meron at naguumapaw sa sangkameronan bilang sukdulan ng unum, verum, bonum sa lahat ng unum, verum, bonum na nagmemeron sa kanyang Meron.